Wed, 24 Jul 2019

Tagalog News: 35 mag-aaral tumanggap ng bisikleta mula sa isang NGO

Philippine Information Agency
14 Jun 2019, 22:38 GMT+10

Sa ceremonial tur-over ng mga bisikleta ay personal na nagpasalamat si SDS Roger Capa (nasa gitna) kay G. Joel Uichico (kanan), Founder and Program Director ng Bike for the Philippines sa malaking ambag nito sa mga hikahos na mag-aaral para may masakyan sa pagpasok araw-araw.(Dinnes Manzo/PIA-Romblon)

ROMBLON, Romblon, Hunyo 14 (PIA) -- Tatlumpo't limang mag-aaral sa Macario Molina National High School sa Bgy. Tambac, Romblon ang tumanggap ng tig-isang yunit ng bisikleta upang magamit nila sa pagpasok sa eskwela.

Ang pamamahagi ng libreng bisikleta sa mga piling mag-aaral ay tinaguring "Pedal para sa Pinadaling Pag-Eskwela" ng Department of Education (DepEd)-Romblon sa pakikipagtulungan ng Bike for the Philippines Foundation.

Sinabi ni Schools Division Superintendent Roger F. Capa, na isa sa pinakamakabuluhang gawain na isinagawa ng DepEd Romblon sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ay ang paglulunsad ng proyektong "Pedal para sa Pinadaling Pag-eskwela" (3Ps) sa Macario Molina NHS at sa pakikipagtulungan ng Bike for the Philippines Foundation, Inc.

"Ang paaralang ito na nasa liblib na lugar ng Macalas ang napili natin sapagkat ito ang may pinakamaraming estudyante na gumigising ng napakaaga at naglalakad ng limang kilometro pataas araw-araw para lamang makarating sa kanilang paaralan," pahayag ni Capa.

"Sa isang TV program nalaman natin ang tungkol sa Bike for the Philippines na namimigay ng mga imported na mountain bikes na may kasamang helmet at tool box. Napakapalad natin na napili ang Romblon upang makipag partner sa kanila at matulungan ang ating mga kapus-palad na estudyante na binigyan din natin ng mga libreng sapatos noong Marso, sa pakikipag-ugnayan sa Kuatrohanon at sa pamilya Riano. Matapos ang ilang araw na training sa values formation, responsible biking, bike maintenance, etc, ipinamahagi ngayong araw ang mga bisikleta," dagdag na paliwanag ng opisyal.

Inilunsad din aniya ang Adopt-A-Bike and a Biker Program na kung saan agad nakalikom ng P60,000 na ilalaan para sa insurance ng mga estudyanteng nabigyan ng bisikleta, maintenance nito at iba pa nilang pangangailangan.

Pinangunahan ni G. Joel Uichico, founder ng Bikes for the Philippines, ang pagtuturo sa 35 mag-aaral ukol sa biking skills, responsible biking, bike maintenance, right values formation, pagsunod sa mga batas sa kalsada at paggalang sa kapwa.

Ang nabanggit na training workshop ay naisakatuparan sa loob ng anim na araw sa tulong ng mga guro at empleyado ng Macario Molina National High School.

Binabalak ng DepEd Romblon at Bike for the Philippines Foundation na kapag naging maayos at matagumpay ang implementasyon nito sa Macario Molina NHS na first pilot school ng nasabing programa, dadalhin nila ito sa iba pang mga paaralan na nasa malalayo at liblib na lugar.

Personal na nagpasalamat si SDS Capa kay Joel Uichico, Founder and Program Director ng Bike for the Philippines, SGOD Chief Hipolito Berano, Social Mobilization Specialist Maricel Rodil, Principal Noe Magdato, mga guro, mga magulang at iba pang stakeholders na naging dahilan upang maisakatuparan ang proyektong ito na naglalayong sa pamamagitan ng edukasyon, maging malaya sa tanikala ng kamangmangan at kahirapan ang ating mga kapus-palad na estudyante.

"Ang isang simpleng bisikleta ay pwedeng makapagbigay sa kanila ng pag-asa at makapagbago ng kanilang mga buhay," makahulugang turan ni Capa.

Kapakanan aniya ng mga mag-aaral sa Romblon ang dahilan ng kanilang pagsisikap at pagpupunyagi para sa magandang kinabukasan ng mga ito.(DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

More Manila News

Access More

Sign up for Manila News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!