Wed, 17 Jul 2019

30 drug offender sa Malungon nagtapos sa Balay Silangan Program

Philippine Information Agency
25 Jun 2019, 16:38 GMT+10

MALUNGON, Sarangani, Hunyo 25 (PIA) - Inaasahan ang tuluy-tuloy na pagbabago ng 30 indibidwal na dating drug offenders matapos nilang makompleto ang halos apat na buwang drug rehab and reformation program ng Philippine Drug Enforcement Agency at pamahalaang bayan ng Malungon.

Sa isinagawang graduation ceremony sa Balay Silangan Reformation Center sa Barangay Nagpan, Malungon noong Lunes, Hunyo 17, ipinaliwanag ni Malungon Mayor Maria Theresa Constantino na ang mga nagtapos ay dating may kaso na may kinalaman sa droga at sumailalim sa plea-bargaining agreement.

"Balay Silangan caters to plea bargaining clients, yong mga galing sa kulungan na gustong pumasok sa reformatory center base sa order ng korte," ayon kay Mayor Constantino.

Nagsimula ang reformation program sa grupo na pawang kalalakihan noong ika-26 ng Pebrero at nagtapos noong ika-14 ng Hunyo, taong kasalukuyan.

Sa ilalim ng pamamahala at gabay ng Preventive Education Community Involvement Service (PECIS) ng PDEA, nakatutok ang programa sa mga persons who use drugs (PWUD) kung saan sumasailalim ang mga ito sa continuing education, counseling, moral recovery at spiritual and values formation at life skills.

Sa tulong ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at Department of Agriculture (DA), sinanay rin ang mga kliyente sa layong magkaroon ng mapagkakakitaan o trabaho pagkalabas nila sa reformation center.

Kasabay ng kanilang graduation, iginawad sa mga nagsipagtapos ang certificate of completion para sa kursong shielded metal arc welding NC II mula sa Mindanao Polytechnic College sa General Santos City.

Hinihikayat din ang mga kliyenteng di nakapagtapos sa elementarya at high school na mag-enrol sa Alternative Learning System ng Department of Education kapag nakabalik na sila sa kani-kanilang barangay.

Nangako naman si Mayor Constantino na patuloy nitong gagabayan at tutulungan ang mga dating drug offenders na magpatuloy sa kanilang pagbabago at pagsasaayos ng kanilang buhay.

"Hindi pa kayo nakalabas sa Balay Silangan, naghahanap na ang lokal na pamahalaan ng pangkabuhayan na maaring ibigay sa inyo," ani Mayor Constantino.

Tanging hiling ng mayor sa mga nagsipagtapos na "huwag sayangin ang ikalawang pagkakataon na ibinigay ng gobyerno sa kanila."

Nagbukas ang Balay Silangan Reformation Center sa Nagpan, Malungon noong Mayo, 2018.

Ang grupo ay ikalawang batch na graduate ng center. Noong Nobyembre, 2018 nagtapos ng reformation program ang unang batch ng 30 kliyente. Marami sa kanila, ayon kay Mayor Constantino may kabuhayan na at empleyado na ng ilang kompanya tulad ng Dole Philippines. (DED)

Sign up for Manila News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!