Sat, 14 Dec 2019

Tagalog News: 72 bagong pulis sa Caraga region, pumasa sa SWAT course

Philippine Information Agency
26 Jun 2019, 18:38 GMT+10

LUNGSOD NG BUTUAN, Hunyo 26 (PIA) - Sa layong masubukan agad ang pagiging alerto, epektibo at husay sa pagresponde sa armed encounters, dumaan sa mas pinaigting at pinabuting pagsasanay sa Special Weapons and Tactics (SWAT) course ng Philippine National Police (PNP) ang 72 na bagong graduate na pulis sa Caraga region.

Ipinakita ng mga bagong SWAT graduates ang kanilang kapabilidad, katatagan at lakas ng loob sa pagharap at pagsagawa ng stratehiya sa pagsabak sa high-risk encounters at close quarters combat - isang mapanganib na komprontasyon sa mga kalaban.

Ang mga pumasa sa SWAT course training ay binubuo ng dalawang police commissioned officers at 70 police non-commissioned officers mula sa mga police provincial offices ng rehiyon, Regional Mobile Force Battalion 13 at Butuan City Police Office (BCPO). Apat naman dito ay mga babaeng police officers.

Ayon kay Police Brigadier General Gilberto DC Cruz, sa pagkakataong pumasa ang mga bagong pulis sa nasabing training, sumabak agad sila sa mga mabibigat na sitwasyon at ipapakita ang kanilang agarang pagresponde nang hindi humahantong sa bayolenteng pamamaraan.

Sa isinagawang graduation ceremony, si Police Staff Sergeant Billy Ray Samillano ang tumanggap ng Award of Excellence dahil nakuha niya ang pinakamataas na rating sa nasabing pagsasanay, habang si Police Major Rodulfo Cadiz Jr. at Police Major Rommel Cacayan ang tumanggap ng Leadership Award.

Samantala, isang babaeng pulis naman na si Rheianne Gabunada ang tumanggap ng Top Gun Award dahil sa nakuha niyang pinakamataas na rating sa individual practical drills sa pistol at riffle, habang si Police Master Sergeant Ronald Laro ang sa highest rating sa physical fitness test at iba pang physical training sa SWAT course.

Bilang isa sa mga natatanging awardees, ibinahagi ni Gabunada, na mahalaga rin ang ginagampanang tungkulin ng mga kababaihang pulis, at malaki ang kanilang magagawang kontribusyon sa pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan sa lugar. (JPG/PIA-Caraga)

Sign up for Manila News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!