Thu, 24 Oct 2019

Tagalog News: DENR Mimaropa, nagbigay ng mga kahoy sa Recto Bank 22

Philippine Information Agency
09 Jul 2019, 22:38 GMT+10

Para sa F/B Gem Ver I. Ang mga kahoy sa larawan ay donasyon ng DENR sa mga mangingisda ng F/B Gem Ver I na nakaligtas sa banggan sa Recto Bank sa Palawan. (larawan mula sa DENR-Mimaropa)

LUNGSOD QUEZON, ika-9 ng Hulyo (PIA) -- Nagbigay ng mga kahoy ang Department of Environment and Natural Resource (DENR)-Mimaropa sa mga mangingisda ng F/B Gem Ver I (binansagang Recto Bank 22) upang magamit sa pagpapakumpuni ng nasira nilang bangka.

Matatandaang noong ika-9 ng Hunyo, binangga at nasira di-umano ng isang hinihinalang Chinese vessel ang F/B Gem Ver I.

Pagkatapos ng banggaan, iniwan ng nasabing sasakyang pandagat ang mga mangingisda ng F/B Gem Ver I na palutang-lutang sa karagatan.

Ang pagbibigay ng kahoy ng kagawaran ay bilang tugon ni Environment Secretary Roy Cimatu sa panawagan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na tulungan ang mahigit sa 20 mangingisda (karamihan mga taga-San Jose, Occidental Mindoro) na maiayos ang kanilang nasirang bangka at maidagdag sa mga bagong bangkang galing naman sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR)-Mimaropa.

Una rito, nag-abot ng tulong sa mga mangingisda ang pamahalaang panlalawigan ng Occidental Mindoro, Department of Social Welfare and Development-Mimaropa at Department of Agriculture.

Aabot sa 379 na piraso ng kahoy (tinatayang 3,084 board feet) ang naibigay ng kagawaran mula sa mga kahoy na nasamsam nito sa kanilang mga pagpapatrolya sa kagubatan at monitoring operation sa kautusan ni DENR Mimaropa Regional Executive Director Henry Adornado.

Labis na natutuwa si Director Adornado na mapapakinabangan ng mga mangingisda ang mga kumpiskadong kahoy na matitibay at magagamit sa kahit anong konstraksyon.

Dahil dito, nasabi ni Director Adornado na may paraan ang kalikasan para makatulong sa tao para makabangon muli.

Tumulong ang Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) ng Occidental Mindoro at ang Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) ng San Jose sa pagbibigay ng kahoy sa mga mangingisda na kinatawan nina Ginoong Felix Dela Torre (ang may-ari ng F/B Gem Ver I) at Junel Insigne (ang kapitan ng nasirang bangka). (LP/DENR-Mimaropa)

More Manila News

Access More

Sign up for Manila News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!