Thu, 24 Oct 2019

Tagalog News: Ika-15 Negosyo Center sa Bulacan, binuksan sa Sta Maria

Philippine Information Agency
10 Jul 2019, 18:38 GMT+10

Pinangunahan ng Department of Trade and Industry ang pagbubukas ng ika-15 Negosyo Center sa Bulacan na matatagpuan sa bayan ng Santa Maria. Inilagay ito sa loob mismo ng Business Permit and Licensing Office na nasa unang palapag ng Gusaling Pampamahalaan. (Vinson F. Concepcion/PIA 3)

STA MARIA, BULACAN, Hulyo 10 (PIA) -- Pinangunahan ng Department of Trade and Industry o DTI ang pagbubukas ng ika-15 Negosyo Center sa Bulacan na matatagpuan sa bayan ng Santa Maria.

Inilagay ito sa loob mismo ng Business Permit and Licensing Office o BPLO na nasa unang palapag ng Gusaling Pampamahalaan.

Ayon kay BPLO Head Myrna Lopez, matagal nang napabilis ng pamahalaang bayan ang aplikasyon para sa Business Permit. Kung renewal, aabot lamang ng 30 minuto at isang araw sa mga bagong aplikasyon.

Sa pagbubukas ng Negosyo Center, lalo pa aniyang mapapabilis ang kanilang serbisyo.

Pinapurihan naman ni DTI Provincial Director Zorina Aldana ang BPLO ng Santa Maria dahil nananatili itong Most Business Friendly Municipality ng Bulacan mula pa noong 2005.

Iba't ibang parangal na ang natamo nito dahil sa tagumpay sa streamlining procedure at information technology innovation sa pagpapabuti ng mga serbisyong pampamahalaan.

Bilang resulta, hindi nawawala sa listahan ng mga Most Competitive Municipality ang bayan ng Santa Maria sa buong Pilipinas, at nangunguna naman sa lalawigan ng Bulacan.

Noong 2015, pangalawa ang Santa Maria sa alinmang bayan sa buong Pilipinas na Most Competitive Municipality base sa Municipalities Competitiveness Index na inilabas ng National Competitiveness Commission.

Kabilang sa sinusukat sa Municipal Competitiveness Index ay ang kalidad ng serbisyong naipagkakaloob ng isang pamahalaang bayan partikular na ang mga reporma sa mga sistema sa mga transaksyon gaya ng mabilis pagkakaloob ng business permit. (CLJD/SFV-PIA 3)

More Manila News

Access More

Sign up for Manila News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!