Mon, 18 Nov 2019

Tagalog News: National Dengue Alert itinaas ng DOH

Philippine Information Agency
16 Jul 2019, 18:38 GMT+10

Ipinahayag kahapon (Hulyo 15, 2019) ni Health Secretary Francisco Duque ang pagtataas National Dengue Alert. (Larawan kuha ng DOH)

MAYNILA, Hulyo 16 (PIA) - -Itinaas ng Department of Health (DOH) ang "National Dengue Alert" dahil sa mabilis na pagtaas ng kaso ng dengue sa iba't ibang rehiyon ng bansa.

Sa isang televised press conference kahapon, Hulyo 15, 2019, sinabi ni Health Secretary Francisco T. Dugue III kasama sa mga rehiyon na nalampasan ang "epidemic threshold" ng dengue ay ang MIMAROPA (Rehiyon IV-B), Western Visayas (Rehiyon VI), Central Visayas (Rehiyon VII), at Northern Mindanao (Rehiyon X).

Ayon kay Duque, idinedeklarlang may epidemya sa isang lugar kapag kapag nakitaan ito ng departamento nang klastering ng mga kaso.

Patuloy din ang kanilang pagsubaybay sa mga lugar na nalampasan na ang "alert threshold." Ang mga lulgar na ito ay ang -- Ilocos, Cagayan Valley, CALABARZON, Bicol, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Davao, Bangsamoro Autonomous Region sa Muslim Mindanao, at Cordillera Administrative Region.

Sa pakikipag-ugnayan sa National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) sa pamamagitan ni Undersecretary Ricardo Jalad ng Office of Civil Defense, isinailalim naman sa ang "code blue alert sa mga ospital".

Kaugnay nito, pupulungin ng DOH bilang pangunahing ahensiya ng Health Cluster ng NDRRMC ang kanilang mga miembro upang masugpo o malabanan ang nakababahalang problema kaugnay ng dengue.

Ayon sa datos ng DOH mula Enero hanggang Hunyo 29, 2019, karamihan sa mga kaso ay mula sa Western Visayas na mayroong 13,164 kaso, kasunod ang CALABARZON na may 11,474 kaso, Central Visayas, 9,199, SOCCSKSARGEN 9,107, at Northern Mindanao na mayroong 8,739 kaso.

Ayon sa DOH records, umabot na sa 106,630 ang nagkasakit ng dengue sa buong bansa ngayon taon. Ito ay 85% na mas mataas kumpara sa nakaraang taon sa parehong panahon na nagtala ng 57,564 kaso. Sa bilang na ito, 456 ang namatay na karamihan ay mga batang may edad lima hanggang siyam na taon.

Paliwanag ni Duque na base sa obserbasyon ng DOH ang kaso ng dengue ay umaakyat bawat tatlo hanggang apat na taon. Ang huling pagtaas ng insidente ng dengue ay noong taong 2016.

Payo ni Duque na upang maiwasan ang pagkamatay ng mga nagkakasakit nito, kailangan ang maagang deteksyon at maayos na pamamahala ng kaso.

Ang dengue ay isang sakit sanhi ng virus at wala pang alam na tiyak na gamot o bakuna para dito. Ang epektibong pagsubaybay ay makatutulong nang malaki upang mabawasan ang tungo sa pagkamatay nang may mga sakit nito lalo na sa mga lugar na nakitaan nang maraming kaso.

Kabilang sa mga simtomas ng dengue ang matinding sakit ng ulo, pananakit sa likod ng mata, matinding sakit ng kasukasusan at kalamnan, pagkapagod, pagkahilo at rases sa balat.

Kaugnay nito, mariing isinusulong ng DOH ang 4S na estratehiya upang malabanan ang nakamamatay na sakit:- Search and destroy mosquito breeding places (hanapin at puksain ang mga lugar na pinamamahayan ng lamok), Self-protective (pangalagaan o proteksiyunan ang sarili katulad ng pagsusuot ng long pants/long sleeves, paggagamit ng insect repellent at iba pa); Seek early consultation (maagaang magpatingin sa doctor kapag nakitaan na ng mga simtomas); at Say yes to fogging (pumayag sa fogging kapag mayroong maraming kaso).

"Maiiwasan o malalabanan ang dengue sa pamamagitan ng apat na estratehiya na ito. Mariing ipinapayo ko na gawin ang 4S na estratehiya at alamin ang senyales at simtomas ng dengue upang malabanan ang nakababahalang sakit na ito," pagwawakas ni Duque. (PIA InfoComm)

More Manila News

Access More

Sign up for Manila News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!