Mon, 23 Sep 2019

Tagalog News: Youth for Truth, inilunsad sa Batangas

Philippine Information Agency
23 Aug 2019, 18:38 GMT+10

LUNGSOD NG BATANGAS, Agosto 23 (PIA)- Inilunsad ng Presidential Comunications Operations Office (PCOO) ang Youth for Truth sa Batangas State University Main Campus sa lungsod na ito noong ika-14 ng Agosto.

May 32 student leaders at communicators ang nakibahagi sa Youth for Truth Forum na layong iwaksi ang pagkalat ng fake news at paghikayat sa mga kabataan upang makibahagi sa mga napapanahong isyu sa lipunan.

Ayon kay Bea Bailon, Youth for Truth Chief News Correspondent may 5 C's na kailangang ikonsidera kung ang mga artikulo o posts sa social media ay totoo o fake news.

"Merong tayong 5 C na batayan upang madetermina natin kung ang isang post ay fake o totoo. Una ay ang content nito, kailangan nating tingnan ang petsa, grammar construction at kung ang dating nito ay very appealing na parang walang mali sa nilalaman. Ikalawa ay ang context dahil ang nilalaman nito ay dapat maaaring maidugtong sa mga nakaraang pangyayari. Ikatlo ang communicators identity, may kredibilidad ba ang sumulat at ipinaalam ba sa mambabasa kung sino ang sumulat nito. Ikaapat ang creators intent at ikalima ay ang consequence o epekto ng pagkakasulat nito," ani Bailon.

Tinalakay naman ni Nicole Namuco, Youth for Truth Media Planner na ang pangunahing layon nito ay mailahad ang katotohanan at kontrahin ang pekeng balitaan.

"Ang adbokasiya naming ay katotohanan at ito ay isa sa pinakamahirap na adbokasiya. Dati lahat ng sinasabi ng media ay pinaniniwalaan ng tao ngunit ngayon maraming mga balita ang nagkalat lalo na sa social media na minsan ay hindi naman totoo. Social media ang platform na ginagamit ngayon ng karamihan ng kabataan kaya't ito rin ang nakikita naming paraan upang maabot ang mga kabataan at matulungan silang huwag maging biktima ng fake news o makapagbahagi ng mga ganitong uri ng balita," ani Namuco.

Dagdag pa nito na upang malaman kung totoo ang isang balita bukod sa naunang nabanggit na 5 C's, dapat matutong rumespeto sa iba't-ibang uri ng opinion at alamin ang kabuoan bago ipakalat ang anumang impormasyon.

Iba't-ibang platform din ang ginagamit ng Youth for Truth upang mas mapalaganap ang kampanya kontra sa pekeng balitaan tulad ng kanilang programa sa Radyo Pilipinas tuwing Biyernes 8PM-9PM kung saan maaaring makipag-ugnayan ang mga kabataan sa iba't-ibang napapanahong isyu o usapin. Hinihikayat din nila ang mga kabataan na gumawa ng mga vlogs tulad ng mga informative videos ukol sa isang lugar, tao o anumang makakapagbigay ng impormasyon o interes sa iba. Nagsasagawa din sila ng mga forums sa iba't-ibang lugar sa bansa.

Sa huli ay binigyang diin ang gampanin ng mga kabataan bilang advocates ng katotohanan kung saan dapat silang maging responsable sa paggamit at pagbabahagi ng impormasyon, maging mabuting "influencer" sa iba at ang pagiging totoo sa sarili. (BHABY P. DE CASTRO-PIA BATANGAS)

Sign up for Manila News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!