Sun, 15 Dec 2019

Tagalog News: Batangueno PWDs, nakibahagi sa DOH Summit

Philippine Information Agency
10 Sep 2019, 16:38 GMT+10

LUNGSOD NG BATANGAS, Set. 10 (PIA)- May 25 delegado na kabilang sa sektor ng Persons with Disabilities (PWDs) ang dumalo sa PWDs Summit na ginanap sa Ciudad Christhia Resort, San Mateo,Rizal kamakailan.

Layon ng dalawang araw na summit na mabigyan ng kaalaman ang mga PWDs sa pagpapaunlad ng kanilang katatayuan sa lipunan at maiparamdam ng pamahalaan ang pagtugon sa kanilang pangangailangan.

Ilan sa mga naging paksang tinalakay ang pagkakaroon ng isang supportive environment para sa mga may communication impairment, pagbabanghay ng Republic Act 11215 o National Integrated cancer Control Act, Health and Wellness program, pagtalakay sa Universal Health care at ilang usapin na may kaugnayan sa Philhealth tulad ng mandatory Philhealth para sa mga PWDs.

Sinabi ni Nelson Adante, presidente ng Federation of Persons with Disabilities of the Province of Batangas Inc.(FPDPBI), na malaki ang pasasalamat nila sa DOH sa pagbibigay ng libreng gamot at assistive devices tulad ng crutches, canes, walkers,wheelchairs at mga hygiene kits sa pangangalaga ng kanilang katawan.

"Bukod sa aming natutunan malaking tulong ang mga kagamitan na natanggap ng aking mga kapwa PWD dahil medyo may kamahalan din ang presyo nito at hindi basta mabibili lalo na ng may mga kakulangang pinansyal," ani Adante.

Samantala, patuloy naman ang pagsuporta ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas sa mga PWDs upang maisulong ang mas maayos na pamumuhay at maging bukas isip ang lahat upang tanggapin ang mga ito sa lipunan. (BHABY P. DE CASTRO-PIA BATANGAS with reports from PIO BATANGAS PROVINCE)

Sign up for Manila News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!