Tue, 22 Oct 2019

Tagalog News: Pampanga, nag-isyu ng Executive Order kontra ASF

Philippine Information Agency
17 Sep 2019, 22:38 GMT+10

LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga, Setyembre 17 (PIA) -- Nag-isyu ng Executive Order si Gobernador Dennis Pineda na nagbabawal sa pagpasok ng mga buhay na baboy sa probinsya.

Bagaman walang outbreak ng African Swine Fever o ASF sa probinsya, layunin ng nasabing hakbang na protektahan ang mga nasa industriya ng pagbababuyan at pagproseso ng karne mula sa banta ng sakit at pangalagaan ang kalusugan ng publiko.

Aniya, nais niyang siguraduhing hindi makakapasok ang ASF sa Pampanga upang hindi makompromiso ang kabuhayan at kalusugan ng mga Kapampangan.

Dagdag niya, mananatili ang mga checkpoints na itinalaga ng kapulisan sa boundaries ng lalawigan para pigilin ang pagpasok ng mga baboy galing sa ibang probinsya, lalo na sa mga lugar kung saan kumpirmado ang ASF.

Gayunpaman, nilinaw niyang pansamantala lamang ang nasabing ban at i-lilift ito base sa payo ng Bureau of Animal Industry.

Ayon kay Pineda, tanging mga produktong may sertipikasyon mula sa National Meat Inspection Service lamang ang pahihintulutang makapasok sa Pampanga, maliban sa mga magmumula sa lugar na apektado ng ASF.

Saklaw din ng Executive Order ang paglikha ng Pampanga ASF Task Force na itinalagang bumuo ng isang contingency plan.

Ayon sa datos mula sa Philippine Statistics Authority, may kabuuang 51,415 metriko toneladang buhay na baboy sa Pampanga noong 2018. Ito ang ikatlong pinakapangunahing pinagkukunan ng baboy sa Gitnang Luzon pagkatapos ng Bulacan na may 259,677 metriko tonelada at Tarlac na may 98,591 metriko tonelada. (CLJD/MJSC-PIA 3)

More Manila News

Access More

Sign up for Manila News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!