Tue, 22 Oct 2019

Tagalog News: TESDA Calabarzon, kinilala ang mga partner institutions

Philippine Information Agency
18 Sep 2019, 16:38 GMT+10

LUNGSOD NG BATANGAS, Set. 18 (PIA)- Bilang pagpapasalamat at pagkilala sa kanilang mga partners, idinaos ng Technical Education Skills and Development Authority (TESDA) Calabarzon ang Gabi ng Pasasalamat sa Occasions Garden Lima Park Hotel, Malvar, Batangas noong ika-5 ng Setyembre, 2019.

"Ang gabing ito ay para sa aming mga katuwang sa pagpapalaganap ng serbisyong teknikal bokasyunal dahil kung wala sila ay hindi magiging tagumpay ang TESDA Calabarzon sa pagganap sa tungkulin. Ang pagkilala sa aming mga partners ay isang uri ng pasasalamat dahil sa inyo mas epektibong naiipatupad ng ahensya ang mga programa para sa ikabubuti ng publiko," sabi ni TESDA IV-A Regional Director Florencio Sunico Jr., sa kanyang mensahe sa Gabi ng Pasasalamat.

Sa mensahe ng pasasalamat ni Merlita Pasatiempo, Executive Assistant at kinatawan ni Governor Hermilando Mandanas, inihalintulad niya ang TESDA at ang mga katuwang nito sa kawayan na bagama't isa-isang itinanim, habang lumalaki at nagdidikit-dikit ay nagiging mas malakas.

Aniya pa, kahit hipan ito ng malakas na hangin ay humahapay lamang ngunit patuloy na nakatayo at magkakasama. Katulad ng TESDA at partner institutions nito, patuloy ang pagbuo ng magagandang programa na kapaki-pakinabang sa publiko upang mas mapaantas ang katayuan sa buhay.

Ayon kay TESDA Deputy Director General Rosanna Urdaneta, malaki ang kontribusyon ng TESDA Calabarzon at partner insitutions nito sa pagkakaroon ng mga graduates na bahagi ng iba't-ibang manpower ng malalaking kumpanya dito man o sa ibang bansa.

"Una sa lahat ay pasasalamat dahil kahit may mga programa ang TESDA, kung wala kayo na aming mga katuwang sa pagpapalaganap nito at pagpapaunlad ay mawawalan din po ito ng saysay. Ang gabi ng Pasasalamat ay bahagi ng Silver Anniversary ng aming ahensya upang maipaabot sa mga partner agencies, industries at academe ang aming taos-pusong pasasalamat sa anumang tagumpay na mayroon ang ahensya dahil sa kanilang pakikipagtulungan," ani Urdaneta.

Sa huli ay isa-isang binigyan ng plaque of appreciation ang mga partner agencies at institutions sa mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas,Rizal at Quezon.(BHABY P. DE CASTRO-PIA Batangas)

More Manila News

Access More

Sign up for Manila News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!