Tue, 22 Oct 2019

153 ISFs sa Navotas, binigyan ng bagong tahanan

Philippine Information Agency
23 Sep 2019, 16:38 GMT+10

LUNGSOD NAVOTAS, Setyembre 23 (PIA) -- Umabot sa 153 informal settler family ang nagkaroon ng bagong tahanan matapos pasinayaan ni Navotas City Mayor Toby Tiangco ang tatlong gusali at isang multi-purpose hall sa NavotaAs Homes 2-Tanza sa Barangay Tanza 2.

Kasama ng alkalde sa seremonya sina Engr. Juancho Corpuz at Arch. Ma. Teresa P. Oblipias ng National Housing Authority, Brgy. Chairperson Rochelle Vicencio at ibang opisyal ng lungsod.

Ang NavotaAs Homes 2-Tanza ay may walong three-storey building na maaaring maging tahanan ng 408 pamilya.

"Sa pagsisikap naming mabigyan ng tahanan ang mga pamilyang Navoteno, inaasahan din naming aalagaan ninyo ang komunidad na aming binuo," ani Tiangco.

"Mahalaga ang disiplina para maging payapa ang isang komunidad. Sundin ang mga patakarang inilatag ng pamahalaang lungsod at gawin ninyong maayos at matiwasay ang inyong panumuhay rito," dagdag niya.

Bago makakuha ng housing unit, kailangan pumasa sa drug test ang lahat ng mga miyembro ng aplikanteng pamilya.

Sumasang-ayon din ang mga aplikante na hindi sila magsusugal o iinom ng alak sa loob ng kanilang unit o sa pabahay.

May limang in-city housing projects ang Navotas na nakalaan sa mga pamilyang naninirahan sa tabing-dagat o ilog.

Nasa 2,000 mga pamilya ang kaya nitong mabigyan ng tahanan. Ang mga pamilyang benepisyaryo ay kinailangang sumailalim sa drug test para masiguro na payapa ang mga komunidad sa pabahay.

Ang pamahalaang lungsod ay nakakuha ng limang-ektaryang di na produktibong palaisdaan na gagawin nitong karagdagang pabahay. (PIA-NCR)

More Manila News

Access More

Sign up for Manila News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!