Tue, 22 Oct 2019

CamNorte ComNet, nagplano para sa huling kwarter ng taon

Philippine Information Agency
08 Oct 2019, 22:38 GMT+10

DAET, Camarines Norte, Oktubre 7 (PIA) -- Nagsagawa ng pagpaplano ang Camarines Norte Communication Network (CNCN) para sa gawain sa huling kwarter ngayong taon sa ginanap na pagpupulong sa Audio Visual Production Center ng kapitolyo probinsiya nitong Huwebes.

Pinangunahan ito ng Philippine Information Agency (PIA) Government Information Center (GIC) katuwang ang mga opisyal at miyembro ng naturang organisasyon.

Ayon kay CNCN President Rommel Pajarin, election officer III at mula sa speaker bureau ng Commission on Elections (COMELEC), sa Oktubre 29 ay gagawin ang information caravan sa bayan ng Basud kung saan ang mga magiging benepisyaryo ay mga opisyal ng barangay at mga kooperatiba.

Aniya, hatid ng naturang gawain ang mga libreng serbisyo at impormasyon mula sa ibat-ibang tanggapan ng pamahalaang lokal at nasyunal ganundin ang matugunan ang mga katanungan na nais nilang malaman sa pamahalaan.

Napagkasunduan rin ng organisasyon na magkaroon ng pagpupulong sa darating na buwan ng Disyembre 10 ngayong taon kaalinsabay ng gaganaping Christmas Party sa naturang araw.

Nagkaroon naman ng inisyal na plano sa caravan para sa mga katutubo o mga Manide sa isla ng Calaguas sa bayan ng Vinzons na gaganapin sa buwan ng Abril sa sunod na taon.

Kabilang pa sa mga napag-usapan ang isinagawang ebalwasyon ng CNCN information caravan ng nakaraang taon kung saan nagbigay ng mga suhestiyon ang mga representante ng bawat ahensiya upang mas higit na maparating ang serbisyo ng pamahalaan sa kanayunan.

Matatandaan na nakapagbigay na ng serbisyo ang CNCN ng nakaraang taon sa mga bayan ng Vinzons, Paracale, Capalonga at Mercedes.

Samantala, hinikayat naman ni Information Center Manager Rosalita B. Manlangit ng PIA Camarines Norte ang mga ahensiya na nais maging guest sa programa sa radyo sa pamamagitan ng Talakayan sa PIA on Air sa istasyon ng Radyo Pilipinas.

Ang ComNet ay binuo sa lalawigan ng Camarines Norte noong ika-1 ng Disyembre 2017 sa pamamagitan ng PIA GIC.

Layunin nito na pag-isahin ang mga PIOs ng mga tanggapan mula sa pamahalaang nasyunal at sa lokal na pamahalaan ganundin ang Government Owned and Controlled Corporation (GOCC) upang ipalaganap ang impormasyon at makagpabigay ng serbisyo mula sa pamahalaan. (RBM/ROVillamonte, PIA/Camarines Norte)

More Manila News

Access More

Sign up for Manila News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!