Fri, 15 Nov 2019

Tagalog News: BSP patuloy sa pagsagawa ng Piso Caravan sa Caraga

Philippine Information Agency
22 Oct 2019, 16:38 GMT+10

LUNGSOD NG BUTUAN, Oktubre 22 (PIA) -- Mas pinaigting pa ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) - Butuan City Branch ang pagsasagawa ng Piso Caravan sa ibat-ibang probinsya ng rehiyon.

Ito ay upang mas marami pa ang makapagpalit ng lumang pera at barya sa bago at malinis na banknotes at coins.

Ayon kay Glizriel Rose Quijada, bank officer II ng BSP Butuan City Branch, marami pa ang hindi nakakaalam na may libreng serbisyo sa mga bangko kung saan pwede silang magpapalit ng kanilang lumang pera.

Kaya naman sila na rin mismo ang pumupunta sa mga probinsya upang mas madali para sa mga lokal na residente na magpapalit.

"Ito pong piso caravan ay one-time activity para malaman ng publiko na meron po tayong banking service na magpapalit po ng lumang pera at papalitan po siya ng bago. Kasi dapat po sa pang-araw-araw na financial transaction, yung gamitin natin is clean and fit, para madali po nating matukoy kung ano po yung genuine versus na-counterfeit na mga pera. At maiiwasan din natin ang pagkalat ng mga bacteria na dahilan na magkakaroon ng ng mga sakit," pahayag ni Quijada

Nagpasalamat naman ang iilang residente dahil mas napadali ang kanilang panahong iginugol sa pagpapapalit ng lumang mga pera sa bago, sa tulong ng BSP.

"Mas naging madali sa amin ang magpapalit ng bagong pera dahil sa tulong ng BSP. Gusto rin naming talagang mapalitan na ng bago ang napag-lumaan nang pera dahil hindi na ito tinatanggap ng mga malalaking tindahan," sabi ni Helen Celana, may-ari ng isang karenderya.

Para naman kay John Michael Atenta na isang vendor, bawas perwesyo sa oras ang ginagawang Piso Caravan ng BSP dahil sila na mismo ang pumupunta at tumatanggap ng mga lumang pera at pinapalitan ito.

Binigyang-diin din ni Quijada ang kahalagahan ng maayos na pagamit na pera at sa pagpapanatili ng integridad nito.

"Ang kakulangan or challenge pa din for the banking community ay ang pagpapalaganap pa ng tamang impormasyon sa publiko at paghikayat sa kanila na ugaliing magpapalit ng mga bagong notes at coins. Kasi nakikita namin na yung publiko gusto talagang nilang makasali sa Piso Caravan kasi nga iniisip nila na wala ng ganitong service sa mga bangko, pero and hindi nila alam, regular po yung financial transaction ng bangko para sa publiko," sabi ni Quijada.

Dagdag pa ni Quijada, may karampatang parusa para sa mga mahuhuling may lalabag hinggil sa tamang pagamit ng pera.

Samantala, magsasagawa rin ng Piso Caravan sa susunod na buwan ang BSP sa San Francisco, Agusan del Sur at Surigao City. (JPG/PIA-Caraga)

Sign up for Manila News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!