Fri, 06 Dec 2019

Tagalog News: DTI, nagbabala sa pagbebenta ng substandard na produkto

Philippine Information Agency
13 Nov 2019, 22:38 GMT+10

SAN JOSE, Occidental Mindoro, Nob 13 (PIA) -- Binalaan kamakailan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga tindahan at establesimiyento sa lalawigan laban sa pagbebenta ng mga produktong mahihina ang kalidad o substandard dahil sa peligrong posibleng hatid ng mga ito sa mga mamimili.

Ayon kay Ferdinand T. Aparri, kasalukuyang tagapamahala ng DTI Occidental Mindoro, mahigpit na ipinagbabawal ang pagbebenta ng mga hinihinala at mababang uri ng produkto sa ilalim ng Consumer Act of the Philippines o Republic Act of 7394.

Sa panayam ng mga lokal na mamamahayag kay Marites Cuevas, Senior Trade and Industry Development Specialist ng DTI, nagbigay ito ng halimbawa ng maaaring kahinatnan sa paggamit ng substandard products.

"Kung mahina ang uri ng bakal na binili ng isang consumer na gamit sa pagtatayo ng haligi ng kanilang bahay, hindi ito magtatagal, maaring mabuwal ito at makadisgrasya pa" pauna ni Cuevas.

Inihalimbawa rin ni Cuevas ang mga nabibiling plastic stool chair na sakaling substandard ay posibleng masira agad at maaksidente ang sinumang uupo. Aniya, "paano na lang kung si lolo o lola ang inabutan ng pagkasira ng mga upuan?"

Kaugnay nito, ipinaalala ni Cuevas sa mga mamimili na tangkilikin lamang ang mga produktong may Philippine Standard (PS) mark o kaya'y Import Commodity Clearance (ICC) mark. Sa ganitong paraan paliwanag ng opisyal, makatitiyak ang mga mamimili na dumaan sa pagsusuri at nakapasa sa mga pamantayan ng kalidad ang kanilang mabibili. Dagdag pa ni Cuevas, "Kung sakali man na hindi nila makita sa produkto ang ICC o PS mark, maaari nilang itanong sa tindahan kung saan makikita ang naturang marka o kaya ay hingin ang pinaglagyan o packaging ng mga nasabing produkto.

"Ang mga nagbebenta ng substandard products ay may kaukulang parusa," babala pa rin ni Cuevas. Kaya dapat aniya na maging maingat ang mga tindahan sa pagtanggap ng ibebentang produkto mula sa mga supplier upang hindi sila masingitan ng mga substandard products.

Samantala, sinabi naman ni Aparri na bilang tulong sa mga consumer, ay nagsasagawa ang DTI ng provincial at regional monitoring sa mga tindahan sa buong lalawigan. Agad aniyang sinasamsam ng kanilang tanggapan ang mga substandard products at pinapatawan ng kaukulang multa ang mga tindahang mahuhulihan ng mga consumer item na walang PS at ICC mark.

Ipinahayag pa ni Aparri na higit nilang paiigtingin ang monitoring sa mga ibinebentang christmas lights at mga produktong pang-noche buena ngayong Nobyembre at Disyembre. (VND/PIA MIMAROPA/Occ Min)

Sign up for Manila News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!