Sat, 08 Aug 2020

Tagalog News: Cooperative Month, ipinagdiwang sa Tanauan City

Philippine Information Agency
04 Dec 2019, 22:38 GMT+10

LUNGSOD NG TANAUAN, BATANGAS, Dis. 4 (PIA) --May 34 na kooperatiba at pitong asosasyon mula sa lungsod ang dumalo sa sa "culminating activity" sa selebrasyon ng buwan ng kooperatiba sa Pres. Jose P. Laurel Memorial Gymnasium 1 noong ika-8 ng Nobyembre.

Naging hudyat ng simula ng maghapong selebrasyon ang parada ng mga kooperatiba na sinundan ng misa ng pasasalamat at pagbubukas ng "exhibit"" ng mga produktong ipinagmamalaki ng mga kooperatiba.

Bilang panauhing pandangal, ipinahayag ni Congressman Rico B. Geron, Representative ng Agricultural Sector Alliance of the Philippines (AGAP) Party list, ang kahalagahan ng naturang okasyon. Aniya, "Ang panahon na ito, ang araw na ito ay sadyang itinakda upang kilalanin ang kabayanihan ng ating mga kooperatiba sa bansa, ng ating mga lider, sapagkat ang mga kooperatiba ay kinikilala ng ating konstitusyon bilang kapartner ng ating pamahalaan upang paunlarin ang kabuhayan ng ating mga maliliit na kababayan."

Sa kasalukuyan, nasa higit 7,700 ang kabuuang bilang ng miyembro ng mga kooperatiba sa buong lungsod.

Kaugnay nito, hinikayat ni Cong. Geron ang mga kooperatiba na maging agresibo sa pagtanggap ng mga bagong kasapi.

"Nasa ating dami o bilang ang ating lakas. Sa pagnenegosyo, mas malakas ang negosyo kung tayo ay marami," wika ni Geron.

Idinagdag pa niya, "Hindi lamang tayo itinatag upang magserbisyo. Sa ating pagseserbisyo, kinakailangan nating tiyakin ang malakas na negosyo upang ang negosyong ito ang magpondo sa serbisyong gusto nating gawin sa ating mga kababayan."

Samantala, isa sa mga inabangang bahagi ng programa ang paggagawad ng parangal sa mga natatanging kooperatiba at mga taong nagbigay ng mahalagang kontribusyon sa samahan.

Ang mga sumusunod ang nanguna sa bawat kategorya: Malaking Pulo Multi-purpose Cooperative (Cooperative with the Highest Increase in Assets), City Government Of Tanauan Employee's Credit Cooperative (Cooperative with the Highest Net Surplus), Malaking Pulo MPC (Highest Increase in Capital Share Small Scale Category), Laurel Bayanihan MPC (Micro Sale Category), Yakap at Halik MPC (Cooperative with the Most Employment Created at Most Active in Cooperative Movement Activities, Small Scale Category), KALIPI Marketing Cooperative (Most Active in Cooperative Movement Activities, Micro Scale Category) at Samahan ng Malayang Manggagawa ng Honda Credit Cooperative (Highest Percentage Increase in Net Surplus).

Kinilala din sina Nelia Mangubat sa kategoryang "Significant Contribution to Community Development" at Eugenio Dennis Balba bilang "awardee" sa "Effective Resource Accessing for Tanauan Cooperatives and their Members". Nagkamit din ng "Biggest Delegation Award" ang KALIPI Marketing Cooperative at "Early Bird Award" naman ang Dayapan MPC.

Nagpakitang gilas din ang mga miyembro ng iba't ibang kooperatiba sa kanilang "production numbers" kung saan kinilala ang mga umangat sa kanilang presentasyon na kinabibilangan ng Senior Citizen's Marketing Cooperative bilang "Darling of the Crowd" at ang Calabarzon Community Credit Cooperative bilang "Best in Costume". nNakuha naman ng Samahang Magsasaka ng Brgy. Sta. Maria Agrarian Reform Cooperative ang unang pwesto sa "singing contest" habang ang La Consolacion College of Tanauan MPC ang kinilalang wagi sa "dance contest".

Higit na nagdagdag-kulay sa okasyon ang pagpili ng Mutya ng Kooperatiba na nakuha ni Maria Belen Manglo mula sa City Government of Tanauan Employees Credit Cooperative.

Kabilang din sa mga nagpahayag ng kanilang makabuluhang mensahe sina Batangas 3rdDistrict Rep. Ma. Theresa Collantes, 3rdDistrict BM Rudy Balba, 5thDistrict BM Claudette Ambida na siya ding Chairman ng Committee on Cooperatives ng Sangguniang Panlalawigan, Cooperative Development Authority (CDA) Region IV Director Salvador Valeroso kasama sina Ms. Maria Carmen Garcia bilang kinatawan ni DTI-Batangas Provincial Director Desiderio Jurado III, G. Derek Garvin na siya namang kumatawan kay Provincial Cooperative, Livelihood and Enterprise Development Office (PCLEDO) Dept. Head Celia Atienza at G. Chito Lat na nagrepresenta kay Batangas Gov. Hermilando Mandanas.

Sa huli ay nagkaroon ng "raffle" ng mga papremyo bago tuluyang nagtapos ang programa. (Bhaby P. De Castro-PIA Batangas with reports from Maireen Jenzen Nones/CIO Tanauan)

More Manila News

Access More

Sign up for Manila News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!