Mon, 17 Feb 2020

Tagalog News: Kuryente sa mga isla ng Tablas at Carabao, naibalik na

Philippine Information Agency
17 Jan 2020, 16:38 GMT+10

ODIONGAN, Romblon, Enero 17 (PIA) -- Mahigit dalawang linggo matapos maminsala ang bagyong Ursula sa Romblon, naibalik na ng Tablas Island Electric Cooperative (TIELCO) ang kuryente sa lahat ng sitio at barangay sa mga isla ng Tablas at Carabao.

Ayon kay TIELCO General Manager Orville Ferranco, nang makapanayam ng Philippine Information Agency-Romblon, tapos na ang pagsasaayos ng kanilang distribution system sa dalawang isla.

Aniya, malaki ang naiwang pinsala ng dalawang bagyo pagdating sa mga linya at poste ng kuryente sa mga nabanggit na lugar.

"Yung unang bagyo (Tisoy) umabot ng mahigit P7 milyon ang nasira sa ating mga linya sa northern part ng Tablas, tapos pagdaan ng Ursula mahigit P4.3-milyon naman ang nasira," ayon kay Ferranco.

Sinabi naman ni Ferranco na kahit tapos na ang pagsasaayos ng kanilang distribution system, may ilang bahay parin sa bayan ng San Agustin at San Jose ang wala pa ring ilaw dahil may problema ang mga linya patungo sa kanilang mga bahay.

Pinayuhan ni Ferranco ang mga residente sa mga nabanggit na lugar na wala pang kuryente na pumunta sa opisina ng TIELCO para matingnan ng inspector kung ano ang dapat ayusin sa kanilang mga linya.

"Sila po kasi mag-aayos niyang papasok na sa mga bahay nila, yung amin lang yung metro, kapag nasira yang metro nila, libre naman naming papalitan," pahayag ni Ferranco.

Siniguro naman ni Ferranco na walang magiging pagtaas sa singil ng kuryente sa mga nabanggit na isla kahit malaki ang nagastos ng kooperatiba sa pagsasaayos ng pinsala ng bagyong Tisoy at Ursula. (PJF/PIA-Mimaropa/Romblon)

Sign up for Manila News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!