Sat, 28 Mar 2020

Tagalog News: Western Philippines University, may bagong presidente

Philippine Information Agency
24 Feb 2020, 22:38 GMT+10

PUERTO PRINCESA, Palawan, Peb. 24 (PIA) -- May bago nang university president ang Western Philippines University (WPU) sa katauhan ni Dr. Julie Hope Timotea P. Evina na magsisimula sa kanyang panunungkulan ngayong Lunes.

Si Dr. Evina ay nanumpa sa kanyang tungkulin bilang bagong university president ng WPU sa harap ni Hon. Perfecto A. Alibin, Commission on Higher Education (CHED) Commissioner at Chair ng WPU Board of Regents kamakailan.

Bago naging president ng WPU si Dr. Evina ang tumatayong Vice President for Academic Affairs ng nasabing unibersidad. Siya ay dati ring Dean ng College of Education, Assistant Dean ng Graduate School at naging Principal din ito ng Agricultural Science High School sa WPU-Main Campus sa bayan ng Aborlan.

Pinalitan nito si Dr. Elsa P. Manarpaac na naging WPU-University President sa loob ng walong taon.

Nakatunggali naman ni Dr. Evina sa pagiging university president sina Dr. Romeo R. Lerom at Dr. Lota A. Creencia. Si Dr. Evina ang ikatlong university president ng WPU mula ng ito ay maging unibersidad noong 2004.

Bago naging unibersidad ang WPU, ito ay tinaguriang Aborlan Farm Settlement School para sa mga Tagbanua noong 1910. Naging Aborlan Agricultural High School noong 1928 at makalipas ang mahigit tatlong dekada ito ay naging Regional Agricultural School noong 1960, ngunit hindi nagtagal ito ay naging Palawan National Agricultural College (PNAC) in 1963. At sa pamamagitan ng Republic Act 8012 naging State Polytechnic College of Palawan ito.

Simula 2004 sa pamamagitan ng Republic Act 9260 na nilagdaan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ay pinangalanan na itong Western Philippines University hanggang sa kasalukuyan na ang main campus nito ay matatagpuan sa Bayan ng Aborlan. (OCJ/PIA-Mimaropa)

Sign up for Manila News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!