Wed, 01 Apr 2020

'Bayanihan to Heal as One Act' nilagdaan na ni Pangulong Duterte

Philippine Information Agency
26 Mar 2020, 18:38 GMT+10

LUNGSOD CALOOCAN, Marso 26 (PIA)--Nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte bilang isang ganap na batas ang RA 1169 o "Bayanihan to Heal as One Act" nitong Martes, Marso, 24, 2020.

Ang naturang batas ay magbibigay ng "special authority" sa Pangulo para malabanan ang paglaganap ng COVID-19 sa bansa.

Nagpasalamat si Duterte sa mga mambabatas sa pagkakaloob sa kaniya ng espesyal na kapangyarihan upang mapigilan ang COVID-19 krisis sa bansa.

"Sa pamamagitan ng batas na ito, malaya nang magdesisyon ang ehekutibo para sa pinakamabuting interes ng mamamayang Filipino." anang Pangulo.

Kaugnay nito, narito ang ilang mahalagang mga puntos sa ilalim ng nasabing batas:

Sa pangkabuhayan at tulong pananalapi:

Ang Pangulo ay binigyang kapangyarihan magdeklara ng ipon o savings ng Sangay ng Ehekutibo at gamitin ito upang madagdagan ang pondo ng COVID-19 para sa madaliang pagtugon at pamimili ng mga pangunahing pangangailangan at kagamitang medikal sa pinakamadaling panahon. Tutugunan din ng nasabing batas ang pinansiyal na pangangailangan ng abot sa 18 milyong mahihirap na mga pamilyang nabibilang sa impormal na sector sa pamamagitan ng pagbibigay tulong pinansyal sa halagang P5,000 hanggang P8,000 sa loob ng dalawang buwan. Maliban sa hazard pay na ibinibigay sa ilalim ng Magna Carta of the Public Health Workers o Republic Act No. 7305 ay bibigyan din ng "COVID-19 special risk allowance," ang mga health workers na isinusuong ang kanilang kalusugan at buhay sa atas ng kanilang katungkulan at upang malabanan ang rumaragasang virus na COVID-19. Samantala, ang Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) ang itatalagang babalikat ng mga gastusing medikal ng mga nasa pribado at pampublikong manggagawa sakaling mahantad sa COVID-19 o anumang karamdaman o pinsala kaugnay ng trabaho sa panahon ng pandemic. Sakaling magkasakit ng COVID-19 ang mga manggagawang medikal habang nasa "line of duty", ay bibigyan ng P100,00 at kung sakaling mamatay sa pagganap ng kanilang trabaho upang malabanan ang nasabing sakit, tatanggap naman ng P1 milyon ang bawat isa. Ang probisyon na ito ay epektibo mula ika-1 ng Pebrero, 2020. Ang mga lokal na pamahalaan (LGUs) naman ay awtorisadong gamitin ang sobra sa limang porsiyento ng kanilang alokasyon para sa calamity fund at maaari pang manghingi ng suporta sa national government. At upang maibsan ang binabalikat ng mamamayan, ang mga statutory deadlines para sa pagsumite ng anumang dokumento, pagbabayad at iba pang dapat na bayarin ayon sa batas ay irereiskedyul. Ang mga bangko at iba pang institusyong pampanalapi ay aatasang magbigay ng 30 araw na palugit para sa pagbayad ng mga utang, kasama ang pagbabayad sa credit card na pumasok sa panahon ng enhanced community quarantine. Ang mga interes, multa at iba pang karagdagang bayad ay tatanggalin na rin.

Sa pangkalusugan:

Ang Pangulo ay awtorisadong magpatibay at magpatupad ng mga tuntunin para malabanan ang transmisyon at pagkalat ng COVID-19. Magagawa ito sa pamamagitan ng mabisang edukasyon, deteksyon, proteksyon at maayos na panggagamot. Kasama dito ang atas upang mapabilis ang akreditasyon ng mga testing kit at mapadali ang pagsusuri sa mga Persons Under Investigation (PUIs) at Persons Under Monitoring (PUMs) ng mga pampubliko at pribadong institusyon. Maaari ring idirekta ng Pangulo ang operasyon ng mga pribadong ospital o health facilities o passenger vessel na patirahin ang mga health workers o gawing quarantine areas, medical at relief distribution centers o pansamantalang medical facilities. Pati na ang paggamit ng pampublikong transportasyon upang masakyan ng mga health, emergency, frontline at iba pang taong nagtatrabaho para sa mga pangunahing pangangailangan. Tungkulin din ng Pangulo ang masigurong walang pagkabalam sa mga donasyon, pagtanggap at distribusyon ng mga produktong pang COVID-19 pati na ang pagbili ng mga personal protective equipment at iba pang gamit medikal, pagbili ng mga utilities, telekomunikasyon at iba pang serbisyo kritikal para sa operassyon ng quarantine areas, medical relief at aid distribution center at ang pagkuha ng pansamantalang yamang tao para makatulong sa kasalukuyang "health workforce."

Sa kaayusang pambayan:

Awtorisado ang Pangulo magpatuloy na magpatupad ng mga tuntunin laban sa mga mapagsamantala katulad ng "hoarding" , "profiteering", "injurious speculations", manipulasyon ng mga presyo, pandaraya ng produkto, kartel at iba pang mapaminsalang gawaing kalakalan. Nasa kamay din ng Pangulo ang pagregula at paglimita ng opeprasyon ng lahat ng klaseng transportasyon pati na ang trapiko sa mga kalsada; alternatibong kaayusan sa pagtatrabaho ng mga manggagawa sa lahat ng sangay ng pamahalaan maging sa pribadong sector kung kinakailangan at pagsesegurong may sapat na suplay ng kuryente, tubig, gasolina at enerhiya.

Sa probisyong pananalapi:

Sa ilalim ng probisyon na ito, maaaaring ipatigil ng Pangulo ang mga programa o proyekto ng anumang ahensiya ng pamahalaan kasama ang government owned or-controlled corporasyon na may nakalaan ng pondo upang idagdag sa mga gawain sa paglaban sa transmisyon ng COVID-19. Maaari namang ipagpatuloy ang mga programang ito sa mga susunod na taon. Ang mga hindi nagamit na pondo ay maari ding gamitin sa krisis pangkalusugan na nangyayari ngayon.

Nagbigay katiyakan naman si Sec. Salvador Panelo, ang Tagapagsalita ng Pangulo, na gagamitin ni Duterte ang Special Power na ibinigay sa kaniya sa maayos na paraan, ayon sa Konstitusyon at para sa pinakamabuting kapakanan ng mamamayan.

Aniya,"ang maayos at mabilis na implementasyon ng batas na ito ay maseseguro ang tagumpay ng mga tuntuning inilatag ng pamahalaan upang malabanan ang mapanganib na hamon sa ating pambansang kaligtasan.

Kaniya ring inulit ang panawagan na maging maingat sa mga pekeng balita na naglalayong palalain ang kasalukuyang problema. (PIA NCR)

More Manila News

Access More

Sign up for Manila News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!