Thu, 04 Jun 2020

Tagalog News: Unang kaso ng COVID-19 sa OrMin, naitala

Philippine Information Agency
27 Mar 2020, 16:38 GMT+10

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro, Mar. 27 (PIA) -- Ipinahayg ni Gov. Humerlito 'Bonz' Dolor ang malungkot na balita na nakapagtala na ang lalawigan ng kauna-unahang nag-positibo sa COVID-19 matapos sumailalim sa specimen test kasama ang pito pang indibidwal na inilabas ng Department of Health (DOH) ang resulta ngayong araw.

Ayon sa Punong Lalawigan, "Ang batang babae na si Patient 14 ay isang taon at siyam na buwang gulang mula sa Brgy. Ilaya sa lungsod na bumiyahe mula Marso 5 - Marso 12 patungong Alabang, Muntinlupa ay nag positibo sa sakit na COVID-19. Dahil siya ay napakabata pa, muli akong humiling sa DOH na dumaan sa confirmatory test ang kanyang specimen na agad naman akong pinagbigyan ng kagawaran ng kalusugan. Bukod sa bata, kailangan din sumailalim sa testing ang mga nag-aalaga dito."

Dagdag pa ni Dolor, nagsagawa na din sila ng contact tracing kasama ang mga tanggapan ng Provincial at City Health at lahat ng protocols upang mahanap ang mga nakasalamuha ng bata habang naka-confine at bago pa ito dinala sa ospital.

Samantala, masaya namang ibinalita ng gobernador na ang pito pang dumaan sa specimen test ay mga nag-negatibo. Kabilang dito ang 84 na taong gulang na lola na si Patient 7 mula sa lungsod na ito, ang 69 anyos na lalaki na si Patient 8 ng Gloria, Patient 9 na 55 anyos na lalaki ng Victoria, Patient 10 na 80 anyos na lalaki mula Gloria, Patient 11 na babaeng 80 anyos ng Naujan, ang 37 anyos na lalaki na si Patient 12 ng Victoria at ang 57 anyos na babae na si Patient 13 mula sa bayan ng Naujan.

Bukod sa dito, may lima pang pasyente na hinihintay pa ang resulta at agad itong ipapaalam ng gobernador sakaling dumating ang datos mula sa tanggapan ng DOH.

Dahil dito, muling nanawagan si Dolor "Hindi makakatulong ang mag-panic. Sa ganitong sitwasyon kailangan natin na lalong sumunod sa mga panuntunan ng istriktong Home Quarantine, pisikal na distansiya, liquor ban at ang pagsusuot ng face mask o anumang katulad nito."

Maghihigpit na rin anya sa mga tao na papasok sa lalawigan. Inatasan din ang PNP-Police Provincial Office (PPO), Philippine Ports Authority, Philippine Army, Philippine Coast Guard, Maritime Police at lahat ng Bantay Dagat na lalo pang paigtingin ang pagbabantay sa mga dalampasigan na maaring maging lagusan papasok ng lalawigan.

"Sumunod na po tayo sa ipinag-uutos ng pamahalaan. Stay home, help save lives", pagtatapos ni Dolor. (DPCN/PIAMimaropa)

More Manila News

Access More

Sign up for Manila News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!