Tue, 02 Jun 2020

2 bagong kaso ng COVID-19 sa Marinduque, kinumpirma ni Gov. Velasco

Philippine Information Agency
31 Mar 2020, 18:38 GMT+10

MOGPOG, Marinduque, Mar 30 (PIA) -- Dalawang karagdagang kaso ng coronavirus disease (COVID-19) ang naitala noong Marso 29 sa lalawigan ng Marinduque.

Ayon kay Dr. Gerardo Caballes, Provincial Health Officer, ang dalawang pasyente na nag positibo sa COVID-19 swab test ay isang babaeng 84 na taong gulang, nakatira sa Torrijos at isang batang lalaki, tatlong taong gulang na taga-Mogpog.

Batay sa datos ng Torrijos Municipal Health Office, ang 84-anyos na COVID-19 patient ay nanggaling sa Quezon City at dumating sa Marinduque noong Marso 10. Dinala ito sa Marinduque Provincial Hospital noong Marso 24 at kasalukuyang pang naka-confine sa naturang pasilidad.

Samantala, sinabi ni Dr. Caballes na base sa travel tracing na ginawa ng Municipal Health Office, ang 3-anyos na COVID-19 patient ay nanggaling sa Bacoor, Cavite, dumating sa Marinduque noong Marso 13 at kasalukuyang naka-home quarantine.

Dagdag ni Caballes, ang dalawang bagong COVID-19 patient ay nasa maayos na kondisyon, nagpapalakas na at wala nang mga sintomas ng sakit sa kasalukuyan.

Sa pinakahuling tala ng Provincial Health Office, 451 na lamang ang bilang ng persons under monitoring at 56 ang patients under investigation sa buong probinsya.

Matatandaang unang naging kaso ng COVID-19 sa Marinduque ang 24-anyos na lalaki na nakatira sa bayan ng Torrijos.

Sa kabuuan, tatlo na ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa buong Marinduque. (RAMJR/PIA-Mimaropa)

Sign up for Manila News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!