Mon, 10 Aug 2020

Mga nakatagong baril at bala natagpuan sa Bulan, Sorsogon

Philippine Information Agency
02 Jul 2020, 18:38 GMT+10

BULAN, Sorsogon, June 27, 2020 (PIA) - Sampung matataas na uri ng baril na M16A1 Riffles at karton-kartong mga bala nito ang natagpuang nakabalot sa isang sako ang nadiskubre at narecover ng mga miyembro ng Sandataang Lakas ng Pilipinas sa Barangay Otavi, sa bayan ng Bulan, lalawigan ng Sorsogon nitong nakaraang Hunyo 27, 2020, ganap na 11:30 ng tanghali.

Ayon sa ipinalabas na pahayag sa media ng 31st infantry (CHARGE) Batallion, 9th infantry (SPEAR) Division ng Philippine Army na naka base sa Barangay Rangas, Juban, Sorsogon, ang natukoy na mga armas ay pinaghihinalaang gamit ng mga rebeldeng New Peoples Army (NPA) laban sa mga tropa ng pamahalaan.

Natunton ang mga armas at bala sa pamamagitan ng sumbong ng ilang mga residente ng naturang lugar na mismong nakakita nito at agad ipinagbigay alam sa mga sundalo at kapulisan sa Bulan. Sa ulat ng Philippine Army sa Sorsogon, ang mga armas ay maaaring gamit ng mga rebeldeng NPA na umaaligid sa Sitio Angas, Barangay Otavi, Bulan.

Sa pamamagitan ng pinagsanib na pwersa ng 31st IB, Bulan Municipal Police Station, 2nd PMFC, PIB Sorsogon, 504th RMFB5, 92ND SAC at SAB, narekober ang mga armas sa lugar kung saan ito namataan ng mga residente.

Dahil sa matagumpay na pagkakakuha sa naturang mga armas, nagpasalamat ang 31st IB sa pamumuno ni LTC. Eric H. Culvera sa mga mamamayan ng Brgy. Otavi at sa buong bayan ng Bulan sa naging mabilis na pakikipag-ugnayan nito sa mga otoridad upang matukoy ang mga armas at bala.

Nanawagan din si Culvera sa mga rebeldeng NPA na huwag nang dagdagan pa ang kinakaharap na problema ng bansa, sumuko na lang at isalong na ang kanilang mga armas para makamit ang mapayapang pamumuhay kapiling ang kanilang mga mahal sa buhay.

Dagdag pa ng opisyal na may nakalaang mga programa ang pamahalaan para sa mga aktibong miyembro ng NPA para sa kanilang pagbabagong buhay sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ng pamahalaan. (MBA/1Lt Julieto J. Pollescas, PA)

More Manila News

Access More

Sign up for Manila News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!