Mon, 10 Aug 2020

Tagalog News: PIA's Project Kalinga: Ayuda sa mga Lolo at Lola

Philippine Information Agency
04 Jul 2020, 06:38 GMT+10

LUNGSOD NG SAN PABLO, Laguna, Hulyo 4 (PIA)-- Binisita ng Philippine Information Agency - CALABARZON (PIA 4A) ang Nazareth Bahay Pag-ibig - Home for the Aged sa lungsod ng San Pablo City, Laguna upang magbigay ng ayuda sa mga lolo at lola na nasa pangangalaga ng pasilidad.

Bilang bahagi ng Project Kalinga ng PIA 4A, nagtungo ang mga kawani ng ahensya sa pangunguna ni Regional Director Cristina Arzadon noong Hunyo 30 sa lungsod ng San Pablo City upang personal na mabisita at makita ang mga lolo at lola na naninirahan sa Nazareth Bahay Pag-ibig - Home for the aged.

"Sa pamamagitan ng Project Kalinga : Ayuda para sa mga lolo at lola, hatid namin ang mensahe ng malasakit sa kapwa lalo't higit sa mga nangangailangan sa gitna ng pandemya," ani PIA CALABARZON Regional Director Crisina Arzadon.

Batid sa kaalaman ng lahat na apektado maging ang mga donasyon na dumadating sa naturang pasilidad kaya naman malaking bagay ang makapagbahagi ng kaunting tulong sa mga residente ng Nazareth Bahay Pag-ibig dahil ito ay magandang daan upang maipadama rin sa mga matatanda at street children na nasa pasilidad na sila ay mahalaga at hindi nakakalimutan sa kabila ng pagsubok na dulot ng COVID-19 sa bawat isa.

"Bukod sa paghahatid ng impormasyon sa ating mga kababayan ay ang hatid ng PIA na mensahe ng pag-asa na malalampasa din natin ang krisis basta't tulong-tulong at sama-sama," pahayag ni PIA CALABARZON Regional Director Cristina Arzadon.

Ayon pa kay Father Mardeo Reyes - Founder and administrator ng Nazareth - Bahay Pag-ibig, gumagastos lamang sila ng mahigit P30,000 to P40,000 kada buwan noong wala pang COVID-19 sa bansa dahil halos araw-araw ay marami ang nagbibigay ng mga donasyon at tulong sa Nazareth Bahay Pag-Ibig.

"Hindi katulad ng dati na halos araw-araw may donasyon ngayon ilan na lang, nakaipon naman kami ng kaunti at ayun ang ginagamit namin pang-sustain simula ng lockdown hanggang sa ngayon. Gumagastos kami ng P120,000 kada buwan sa lahat kasama na ang mga volunteer personnel na kahit papaano ay binibigyan namin ng allowance pati na rin ang mga naglalaba at imbis na pera mas gusto nila ang bigas at can goods kumpara kapag naglaba sila sa labas," ani Father Mardeo.

Ang Nazareth Bahay Pag-ibig ay nagbibigay kalinga sa 34 na matatanda at 6 na mga batang street children na kanila na rin pinag-aaral, ang mga residente sa naturang lugar ay mga abandoned o iniwan na ng mga kamag-anak, ang iba ay kusang itinurn-over ng kanilang pamilya sapagkat hindi nila kayang masuportahan dahil sa hirap ng buhay.

"90 to 95% wala nang relative o kamag-anak, talagang itinurn-over dito dahil wala silang relative o nakita lamang sila sa kalsada, meron ilan dyan na may relative at tinetrace naman namin kung nasaan sila," dagdag ni Father Mardeo.

Nagsilbing tahanan ang Nazareth Bahay Pag-Ibig sa mga lolo at lola simula pa noong Oktubre 1991 at hanggang sa kasalukuyan ay patuloy ang pagbibigay nila ng kalinga sa mga naturang residente. (CO/PIA4A)

More Manila News

Access More

Sign up for Manila News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!