Thu, 13 Aug 2020

RTF 2: Balik Probinsiya program magpapatuloy

Philippine Information Agency
14 Jul 2020, 22:38 GMT+10

TUGUEGARAO CITY, Cagayan, July 14 (PIA) - - Nanindigan ang mga opisyal ng Regional Task Force - Corona Virus Disease 2019 (RTF-COVID-19) sa Lambak Cagayan na magpapatuloy ang "Balik Probinsiya" program sa kabila ng patuloy na pagtaas ng mga kaso ng may COVID-19 sa rehiyon.

Ayon kay Civil Defense Regional Director Dante Balao na siyang tumatayong RTF chairperson, may mga lokal na pamahalaan na humiling sa task force na pansamantalang suspindihin ang pagpapatupad ng Balik Probinsiya program dahil karamihan sa mga nagpopositibo sa virus ay mga Locally Stranded Individuals (LSIs) at mga nagbabalik bayang mga Overseas Filipino Worker (ROFWs).

Gayonman, iginiit ni Balao na hindi maaring ihinto ang nasabing programa dahil ito ang itinatakda ng National Inter-Agency Task Force at dapat itong sundin.

"Kailangan nating tanggapin ang ating mga kababayan dahil karapatan nila na magbalik sa kanilang mga lugar dito sa rehiyon. Hindi natin pwedeng ipagkait ang karapatang ito sa kanila," pahayag ni Balao.

Aniya, bagamat nagpoposotibo ang mga ito sa COVID-19 ay sumasailalim naman sila sa masusing pagsusuri sa mga quarantine facility.

Pinuri din nito ang hakbangin ng mga lokal na pamahalaan na isinasailalim sa quarantine ang lahat ng mga umuuwing mga LSI at OFW, ang mga nakikitaan ng sintomas at may pagkakasalamuha sa mga nagpositibo ay isinasailalim sa RT-PCR test.

Pabor din si Balao sa ginagawa ng ilang mga LGU na isinasailalim sa rapid test ang mga umuuwi sa kanilang mga bayan bilang paunang hakbang para matukoy kung may virus ang mga ito o wala. (MDCT/OTB/PIA 2-Cagayan)

More Manila News

Access More

Sign up for Manila News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!