Sun, 27 Sep 2020

Bagong molecular diagnostic laboratory, itatayo sa Lungsod Caloocan

Philippine Information Agency
14 Aug 2020, 18:38 GMT+10

LUNGSOD CALOOCAN, Agosto 14 (PIA) -- Isang bagong molecular diagnostic laboratory ang itatayo ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan upang mapaigting ang pagsasagawa nito ng RT-PCR testing para sa mga mamamayan ng siyudad.

Bilang paunang hakbang sa pagtatayo laboratoryo , magkasamang ininspeksyon ng mga kinatawan ng Pamahalaang Lungsod sa pangunguna ni City Administrator Oliver Hernandez at Dr. Corazon Flores, regional director ng Department of Health-National Capital Region (DOH-NCR), ang lokasyon na pagtatayuan nito sa compound ng Caloocan City North Medical Center (CCNMC).

Ayon kay Caloocan City Mayor Oscar "Oca" Malapitan, tutugunan ng naturang molecular laboratory ang pangangailangan ng mas malawak na swab testing at mas mabilis na paglabas ng resulta nito.

"Kapag may sarili na tayong molecular laboratory, mas maraming mamamayan ang maaari nating ma-swab test at kaagad nating malalaman kung sino ang mga positibo sa COVID-19 at kinakailangang dalhin sa ating mga isolation facility," ani Malapitan.

Paglilinaw pa ng alkalde na ang itatayong molecular laboratory ay magseserbisyo sa parehong mga residente ng North at South Caloocan.

"Magiging bukas po ang pasilidad na ito para sa lahat ng mamamayan ng Caloocan. Dito po ipo-proseso ang swab testing na isinasagawa sa mga komunidad sa lungsod," pahayag ng alkalde. (PIO Caloocan/PIA-NCR)

More Manila News

Access More

Sign up for Manila News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!