Thu, 26 Nov 2020

Tagalog News: Bagyong 'Quinta,' nag-landfall sa bayan ng Pola

Philippine Information Agency
28 Oct 2020, 17:38 GMT+10

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro, Okt. 28 (PIA) -- Nag-landfall sa ika-5 pagkakataon ang bagyong 'Quinta' sa bayan ng Pola matapos dumaan ang sentro nito sa Torrijos Marinduque noong madaling araw ng Oktubre 26.

Ayon sa Calapan Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), tumama ang sentro ng bagyo sa bayan ng Pola dakong 3:30 ng madaling araw na agad sinundan ang bayan ng Socorro, alas-4 ng umaga matapos maminsala sa Torrijos sa Marinduque bandang 1:20 ng nasabing petsa.

Maraming nasirang kabahayan lalo ang mga gawa sa pawid, plywood gayundin ang ilang mga gasolinahan na bumigay ang mga kisame at mga establisyimento partikular sa bayan ng Puerto Galera kung saan bumigay ang bubungan ng isang mall at tinangay na humarang sa kalsada.

Binaha din ang bayan ng Pinamalayan na kung saan nagmistulang ilog ang mga kalsada dahil sa lakas ng daloy ng tubig-baha at ilang bayan na nasa mabababang lugar.

Ayon naman kay Calapan City Public Safety Department Chief Nelson 'Choy' Aboboto, "aming inaantabayanan ang lebel ng tubig sa Bucayao River upang maabisuhan ng maaga ang mga residenteng nakatira malapit doon para agad na ilikas. Ngunit ang Panggalaan River ay mabilis na umapaw at maagang nailikas ang mga residente at hindi na rin madaanan ng lahat ng uri ng sasakyan."

Samantala, agad nag ulat si Pola Mayor Jennifer Cruz tungkol sa pinsala ng bagyo sa kanilang lugar. Anya, "tinatayang nasa 90 porsiyento ng agrikultura ang nasira ng bagyo. Bumaha din sa mga barangay ng Malibago, Pula at Bayanan at nasira naman ang ilang kabahayan sa barangay Matulatula at Tagbakin gayundin ang mga nasa tabing baybayin."

Hinihintay na lamang ni Cruz ang mga ulat ng pinsala mula sa mga barangay ng Buhay na Tubig, Bacawan, Misong at Tagumpay. (DPCN/PIA-OrMin)

More Manila News

Access More

Sign up for Manila News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!