Thu, 26 Nov 2020

Kartero ng PHLPost, pinuri sa kanyang katapatan

Philippine Information Agency
28 Oct 2020, 19:38 GMT+10

LUNGSOD PASIG, Okt. 28 (PIA) -- Ginawaran ng papuri kamakailan ng Philippine Postal Corporation (PHLPost) ang isa sa kanilang mga kartero dahil sa angking katapatan.

Ito'y matapos maibalik ni Roberto Brondo, isang kartero na nakatalaga sa Manila Central Post Office, ang isang pitakang kanyang nakita.

Agad namang ini-report ni Brondo sa kanilang tanggapan ng Human Resource ng PHLPost upang maimbentaryo ang mga laman ng pitaka bilang parte ng documentation process at agad ding nakipag-ugnayan ang mga awtoridad ng PHLPost sa may-ari ng wallet sa pamamagitan ng Facebook.

Ayon sa PHLPost, ang kanilang mga kartero katulad ni G. Brondo ay kilalang matapat at maaasahan sa kanilang sinumpaang serbisyo na maglingkod at maghatid ng sulat umulan man o umaraw.

Si Brondo ay nakatalaga sa Malacanang area sa Maynila upang maghatid ng sulat. Nagsimulang mamasukan si 'Bert' noong 2005 bilang casual employee hanggang sa maging regular at na-appoint bilang Senior Letter Carrier noong February 28, 2017.

Samantala, ayon sa may-ari ng pitaka na kinilalal na si Edward Alimangohan, naniniwala pa rin siya na ang mga kawani ng pamahalaaan lalo na sa PHLPost ay tapat sa kanilang tungkulin.

Bilang pagsaludo sa katapatan ni G. Brondo sa serbisyo, nagbigay ng Special Stamp Frame ang PHLPost Mega Manila Area na naglalaman ng limited edition ng Frontliners Stamps. Ang selyong ito ay nagbibigay pugay sa kabayanihan ng mga Frontline workers sa panahon ng pandemya.

Ayon pa rin sa PHLPost, ang mga kartero ay frontliners din at araw-araw ay exposed sa banta ng virus upang patuloy na tuparin ang kanilang tungkulin sa bayan. Kaya naman ibayong pag-iingat sa kalusugan ang isinasagawa nila sa pamamagitan ng pagpapatupad ng health at safety protocols sa lahat ng post offices nito sa bansa. (PIA-NCR)

More Manila News

Access More

Sign up for Manila News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!