Thu, 26 Nov 2020

Tagalog News: Zero Hunger na target ng Pilipinas, suportado ng UN-FAO

Philippine Information Agency
30 Oct 2020, 22:38 GMT+10

LUNGSOD NG MALOLOS, Oktubre 30 (PIA) -- Nagpahayag ng suporta ang United Nations-Food and Agriculture Organization o UN-FAO sa adhikain ng Pilipinas na maging Zero Hunger ang buong populasyon pagsapit ng taong 2030.

Sa unang episode ng Dagyaw Central Luzon: The Open Government Virtual Town Hall Meeting 2020, sinabi ni UN-FAO National Emergency Coordinator Alberto Aduna na matitiyak ang pangmatagalang seguridad sa pagkain ng bansa sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na magandang kalidad ng ani at produksyon.

Paliwanag pa niya, sapat ang suplay ng pagkain sa bansa. Kinakailangan lamang na palakasin ang access nito upang mas maabot ng karaniwang Pilipino lalo na ang mga mahihirap.

Kaya naman inirekomenda ng UN-FAO na patuloy na gawing prayoridad sa pagpopondo ang mga proyekto at programa laban sa kagutuman.

Nitong Enero 2020, bago pa man tumama ang pandemya ng COVID-19 ay binuo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Inter-Agency Task Force on Zero Hunger na tututok sa pagpapatupad ng National Food Policy na tutugon laban sa kagutuman, matiyak ang seguridad sa pagkain, mapabuti ang kalagayang pang-nutrisyon at ang napapanatiling pagsasaka o sustainable agriculture.

Kalakip nito, ang mas pinaigting na pamumuhunan para sa apat na haligi ng seguridad sa pagkain gaya ng katiyakang may mabibili, abot-kayang presyo, may epektibong distribusyon at matatag na suplay.

Sinabi pa ni Aduna na bagama't may sapat na suplay ng pagkain ang bansa, nagiging hamon ang pagbibiyahe nito mula sa kabukiran patungo sa pamilihan hanggang sa tahanan ng pamilyang Pilipino ngayong pandemya.

Suportado rin ng UN-FAO ang ginawang pagkakaloob ng pamahalaan ng Pilipinas ng cash transfer sa sektor ng pagsasaka lalo na sa mga maliliit na magsasaka. Gayundin ang kahalagahan ng pagsasama sa seguridad sa pagkain sa Humanitarian Response Plan.

Samantala, tiniyak ni Aduna na magkakaloob ng tulong na teknikal ang UN-FAO sa bansa upang maagapayan ang mga magsasaka na pumasok na sa E-Commerce ngayong umiiral na ang new normal sa pangangalakal at komersiyo. (CLJD/SFV-PIA 3)

More Manila News

Access More

Sign up for Manila News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!