Tue, 26 Jan 2021

Philippine Moral Transformation 2020, inilunsad sa San Pablo City

Philippine Information Agency
24 Nov 2020, 16:38 GMT+10

LUNGSOD NG SAN PABLO, Nob 24 (PIA) -Inilunsad ang Philippine Moral Transformation (PMT) 2020 Program sa lungsod na ito noong Nob 13 sa pamamagitan ni Director for Operations Ferdinand Malabed ng Office of Presidential Adviser for Religious Affairs (OPARA).

Ang pagtitipon ay nilahukan ng mga pastor ng iba't ibang denominasyon ng pananampalataya na nakatatag sa lunsod at mga kalapit na munisipyo sa pangunguna ni Pastor Rico D. Albano na siyang natalagang OPARA City Director para sa San Pablo City.

Sa mensaheng ipinaabot ni Presidential Adviser Grepor "Butch" B. Belgica, kanyang nabanggit na ang PMT 2020 Program ay naaayon sa adbokasya ni Pangulong Rodrigo R. Duterte na kalakip sa 2019 State of the Nation Address kung saan hinihikayat ng Pangulo ang mga ama ng tahanan na gawing sambahaan ang bawat tahanan at pangunahan ang panalangin ng sambahayan.

"Nasa kaisipan ng Pangulo na dapat ay "Bawat Pamilya May Kapilya." Dahil sa naisin ni Pangulong Duterte na malagay ang Dios sa puso at isipan ng mga pinunong bayan at mga lider pamayanan, at sa mga ama ng tahanan upang tahakin ang matuwid na pamumuhay," dagdag ni Belgica.

Tampok sa paglulunsad ang paglagda sa covenant ng mga dumalo at panunumpa ng mga itinalagang gabay, "Gabay ng Bayan, Gabay sa Barangay," na kanilang tinatanggap at pagtatapatan ang pananagutan na dapat itaguyod at gampanan ng isang gabay sa harap ni Alkalde Loreto S. Amante.

Ang mga itinalagang gabay ay bolutaryong magsasagawa ng pagdalaw sa kanilang mga kabarangay na may suliranin upang mapayuhan at mapa-alalahanan na isapuso ang Diyos upang magkaroon ng katiyakang tutugunin ng Diyos ang kanilang panalangin.

Ang programa ay makatutulong din sa mga pamahalaang lokal na mapasigla ang pagkilos ng City Anti-Drug Abuse Council (CADAC), at ng mga Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC), na malaki ang maitutulong upang magtagumpay ang anti-drugs campaign ng pamahalaan.

Ang paglulunsad ng PMT 2020 Program na idinaos sa Mayor Vicente Amante-Type Stadium, San Pablo Central School ay sinuportahan ni Mayor Loreto S. Amante, Vice Mayor Justin G. Colago, Sangguniang Panlunsod, at Liga ng mga Barangay sa Lunsod ng San Pablo. (PIA-Laguna at ulat mula kay Ruben Taningco)

More Manila News

Access More

Sign up for Manila News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!