Tue, 26 Jan 2021

Pwede nang mag-Calamity Loan sa SSS simula sa Nobyembre 27

Philippine Information Agency
25 Nov 2020, 04:38 GMT+10

LUNGSOD NG MALOLOS, Nobyembre 24 (PIA) -- Bubuksan na ng Social Security System o SSS ang sistema sa pagpapahiram ng pera sa mga aktibong miyembro nito simula sa Nobyembre 27.

Ayon kay SSS Malolos Branch Manager Albina Leah Manahan, ito ang Calamity Loan Assistance Program o CLAP na saklaw ang mga miyembrong naapektuhan ng mga bagyong Quinta, Rolly at Ulysses.

Basta't may kumpletong hulog sa kontribusyon sa nakalipas na 36 na buwan ay maaring mapahiram. Katumbas ng 12 monthly salary credits o MSC ang halaga ng CLAP na pwedeng mahiram

Kwalipikado ang mga miyembro sa lalawigan ng Bulacan dahil sakop ito nang iproklama ni Pangulong Duterte na ang Luzon ay nakapailalim sa State of Calamity. Iba pa rito ang bukod na deklarasyon ng Sangguniang Panlalawigan.

Ibinilin pa ni Manahan na ang mga manghihiram sa ilalim ng CLAP na huwag nang sumadya nang personal sa mga tanggapan ng SSS.

Kailangan lamang na magsumite ng aplikasyon ang miyembro sa My.SSS account.

Bukod sa pagkakaroon ng kumpletong kontribusyon sa nakalipas na 36 buwan, dapat ay wala rin silang pagkakautang sa anumang pautang ng SSS, hindi nagpe-pensiyon at wala pang natatanggap na disability benefits.

Pwedeng bayaran ang mahihiram na pera sa CLAP sa loob ng dalawang taon kasabay ng pagbabayad ng buwanang kontribusyon.

Mayroon itong 10 porsyentong interest rate per annum at 1 porsyentong penalty o multa kung lalagpas sa itinakdang palugit ang pagbabayad. Bukas ang sistema para sa aplikasyon sa CLAP hanggang sa Pebrero 26, 2021. (CLJD/SFV-PIA 3)

More Manila News

Access More

Sign up for Manila News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!