Sun, 28 Feb 2021

Pasig kauna-unahang LGU na may aprubadong COVID vaccination plan

Philippine Information Agency
27 Jan 2021, 15:38 GMT+10

LUNGSOD PASIG, Enero 27 (PIA) -- Ang Pamahalaang Lungsod ng Pasig ang kauna-unahang lokal na pamahalaan sa bansa na aprubado ang COVID-19 vaccination plan.

Ito ang masayang ibinalita ni Mayor Vico Sotto nitong Martes matapos bumisita ang mga miyembro ng Coordinated Operations to Defeat Epidemic o CODE team sa kanila upang masaksihan ang immunization program ng lungsod.

Kabilang sa mga bumisita si Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr. na pinuri ang paghahanda ng Pasig at sinabing maaari itong maging modelo para sa iba pang lokal na pamahalaan. Kasama rin sina Testing Czar Secretary Vince Dizon, Metropolitan Manila Development Authority General Manager Jojo Garcia, Department of the Interior and Local Government Undersecretary Epi Densing, at Department of Health Undersecretary Carol Taino.

"I was told that Pasig is the first LGU with a Department of Health and World Health Organization-approved vaccination plan," ani Mayor Vico sa kanyang social media post.

"Our LGU's Beat Covid-19 Task Force will continue to work with our national government agencies, WHO, private medical institutions, and NGOs. They have been with us every step of the way," dagdag pa niya.

Bahagi ng naturang immunization plan ng lungsod ang agarang pagbabakuna sa may 5,930 mga frontline health worker sakaling matanggap na ng Pasig ang bakuna para sa COVID-19.

Kasunod sa bibigyang prayoridad ang mga mahihirap na senior citizens at iba pang nakatatanda at mga maralitang taga-lungsod, kabilang na ang mga may kapansanan o mga PWDs, at mga uniformed personnel.

Tinatayaang aabot sa kabuuang 195,912 residente o 80,000 senior citizen sa lungsod, 107,291 urban poor, at 2,691 uniformed personnel ang kinakailangan mabakunahan muna base sa plano.

Naglaan naman ang Pasig ng P300 milyon pondo para sa vaccination program.

Samantala, aabot sa 400,000 dose ng bakuna mula sa British-Swedish drug maker na AstraZeneca ang nagawang i-secure ng lokal na pamahalaan kung saan aabot sa 200,000 na indibidwal ang mababakunahan nito.

Gayundin, pinili ng Pasig ang limang ospital, 16 na eskwelahan, at ang Tanghalang Pasigueno bilang mga vaccination site kung saan tatauhan ang mga ito ng mga composite team na binubuo ng 74 medical at non-medical personnel. (PIA NCR)

More Manila News

Access More

Sign up for Manila News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!