Sun, 28 Feb 2021

Tagalog News: ATI, may 14 na iskolar sa Gitnang Luzon

Philippine Information Agency
28 Jan 2021, 00:38 GMT+10

LUNGSOD NG CABANATUAN, Enero 27 (PIA) -- May kabuuang 14 na iskolar ang Agricultural Training Institute o ATI sa Gitnang Luzon na nag-aaral ng mga kursong may kaugnayan sa pagsasaka.

Ayon kay ATI Central Luzon Career Development and Management Services Section Chief Elsa Victoria, ang scholarship program na ito ay para sa mga karapatdapat na anak ng mga magsasaka at mangingisda sa rehiyon.

Sila aniya ay mga naka-enroll sa mga pamantasang gaya ng Central Luzon State University, Tarlac Agricultural University, at Bataan Peninsula State University.

Ibinalita ni Victoria na nagsimula ang scholarship program ng ATI noong nakaraang taon na mayroong monthly allowance, book allowance at pagbabayad sa mga miscellaneous fee ng mga estudyante.

Aniya, ang bawat iskolar ay tumatanggap ng tig-limang libong pisong monthly allowance at 1,500 pisong book allowance kada semestre.

Bukod pa ang mga miscellaneous fee na sagutin din ng ATI kasama ang bayad sa pabahay o boarding house ng mga iskolar.

Kaniyang paglilinaw, dahil nasa modular at online learning ang mga estudyante noong nakaraang semetre ay wala pang kinailangang bayaran na miscellaneous fee ang ahensya.

Ayon kay Victoria, kinakailangan lamang ay mapangalagaan ng mga iskolar ang mga grado na hindi bababa sa general average na 2.5 at walang incomplete o bagsak na marka sa anumang subject upang tuloy-tuloy na mabenepisyuhan sa libreng pagpapaaral.

Samantala, umabot naman sa humigit 6,500 kliyente ang naserbisyuhan ng ATI nitong 2020 mula sa pagbibigay kasanayan at teknolohiya na kailangan sa pagtatanim ng mga palay, mais, iba't ibang gulay at pangangalaga ng mga hayop.

Sinabi ni Victoria na maliban sa mga magsasaka at mangingisda ay nabigyang pagsasanay din nila ang mga miyembro ng sambahayan na layong makatulong sa pagkakaroon ng mapagkukuhanang pagkain sa pamamagitan ng mga pagtatanim.

Nakapagpamahagi din aniya ng mga starter kit ang ATI bilang extension support para sa mga benepisyaryong sumailalim sa mga pagsasanay sa pagsisimula at pagpapaunlad ng pagsasaka.

Sa mga naitaguyod aniyang mga programa noong nakaraang taon ay malaki ang naging ambag ng mga lokal na pamahalaan na direktang nakipag-ugnayan, tumulong at nagbigay serbisyo sa mga nasasakupang magsasaka.

Ayon pa kay Victoria, nakalinyang proyekto ngayong taon ang pagpapaigting ng kakayahan at kaalaman ng mga extension worker sa mga lokal na pamahalaan na mga matibay na katuwang sa paghahatid ng mga programa at serbisyo sa agrikultura. (CLJD/CCN-PIA 3)

More Manila News

Access More

Sign up for Manila News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!