Tue, 18 May 2021

Tagalog News: Food stalls para sa Ramadhan, binuksan ng MAFAR-BARMM

Philippine Information Agency
18 Apr 2021, 20:38 GMT+10

LUNGSOD NG COTABATO, Abril 16 (PIA)-- Binuksan na ng Ministry of Agriculture, Fisheries, and Agrarian Reform ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (MAFAR-BARMM) ang food stalls na laan para sa pag-aayuno ng mga Moro ngayong buwan ng Ramadhan.

Ito ay matapos ilunsad ng MAFAR ang MAFARLENGKE 2.0 kung saan maaaring bisitahin ng mga mamimili ang mga food stall sa Bangsamoro Government Center na nag-aalok ng sariwang lutong pagkain at inumin, prutas, gulay, at mga produktong agri-fishery.

Ang MAFARLENGKE ay bukas simula alas dos ng hapon hanggang alas nuwebe ng gabi sa buong buwan ng Ramadhan.

Binigyang-diin ni MAFAR Minister Mohammad Yacob na ang mga produkto na ibinebenta ay makabebenipisyo hindi lamang sa mga mamimili o empleyado sa loob ng Bangsamoro Government Center o BGC, kundi pati na rin sa mga magsasaka at mangingisda na nakilahok sa eksibisyon.

Nabatid na abot sa 17 food exhibitors mula sa mga probinsya ng Maguindanao at Lanao del Sur ang nakikilahok sa aktibidad.

Dagdag pa rito, makikita rin sa mga stall ang mga produktong agri-fishery na mula sa mga probinsya ng BARMM at Special Geographic Areas.

Ang MAFARLENGKE o MAFAR Local Exchange and Network of Goods in any Kind of Emergency ay isa sa mga pagsisikap ng ministry upang matulungan ang mga magsasaka at mangingisda na labis na naapektuhan ng pandemya. (LTBolongon-PIA Cotabato City/With reports from BIO-BARMM).

More Manila News

Access More

Sign up for Manila News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!