Wed, 23 Jun 2021

Tagalog News: 151 magsasaka sa Bulacan, tumanggap ng CLOA

Philippine Information Agency
13 May 2021, 00:38 GMT+10

BALIWAG, Bulacan, Mayo 12 (PIA) -- May 151 magsasaka sa Bulacan ang nakuha na ang kanilang Certificate of Land Ownership Award o CLOA mula sa Department of Agrarian Reform o DAR.

Nasa 1,057 ektarya ang kabuuan ng lupang sakahan na tinituluhan.

Ayon kay DAR Secretary John Castriciones, ang mga tumanggap ng CLOA ay mula sa mga bayan ng Baliwag, San Rafael, San Ildefonso at San Miguel kung saan matatagpuan ang malalaking sakahan ng palay sa Bulacan.

Pinaalalahanan ng kalihim ang mga benepisyaryo na hindi maaring ipamigay, ipagbili o isangla ang lupa dahil mahigpit itong ipinagbabawal ng Republic Act 9700.

Kaugnay nito, sinabi pa ni Castriciones na isasailalim ng DAR sa reporma sa lupa ang 100 ektaryang lupaing bahagi ng Bulacan Agricultural State College sa bayan ng San Ildefonso.

Pagtalima ito sa Executive Order 75 ni Pangulong Duterte na lahat ng mga lupain ng pamahalaan na hindi nagagamit at maaring pagsakahan ay dapat maipagkaloob sa mga magsasaka upang gawing produktibo at makadagdag sa pagtitiyak ng seguridad sa pagkain.

Samantala, may inisyal na 13 motor ng patubig, 5 makinaryang pangtabas ng damo, 10 electric knapsack sprayers at 1 ridge maker implement ang ibinigay din ng DAR sa ilang magsasaka bilang pasunod sa ipinagkaloob na CLOA. (CLJD/SFV-PIA 3)

More Manila News

Access More

Sign up for Manila News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!