Wed, 23 Jun 2021

Tagalog News: 2nd Bangsamoro Food Security Summit, isinagawa sa BARMM

Philippine Information Agency
13 May 2021, 04:38 GMT+10

LUNGSOD NG COTABATO, Mayo 12 (PIA)-- Isinagawa kamakailan ng Ministry of Agriculture, Fisheries, and Agrarian Reform ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (MAFAR-BARMM) ang pangalawang Bangsamoro Food Security Summit (FSS) sa Bangsamoro Government Center dito sa lungsod.

Ang dalawang araw na aktibidad na may temang "Food for Today and Beyond: Transforming Philippine Agriculture" ay may layuning bumuo ng strategic action plans sa pagtugon sa mga hamon at prospect sa sektor ng agrikultura at pangisdaan sa rehiyon.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni BARMM Chief Minister Ahod "Al Haj Murad" Ebrahim na ang rehiyon, bilang isang agricultural hub ng bansa, ay may malaking potensyal sa food security ngunit ilang mga hamon din ang nakikita kaugnay nito.

Samantala, binigyang-diin ni MAFAR Minister Dr. Mohammad Yacob na ang isinagawang selebrasyon ay nagsilbing avenue upang makabuo ng mga plano at rekomendasyon na makatutulong upang mapalakas ang food supply ng rehiyon.

Dagdag pa rito, sa ginanap na aktibidad ay isinagawa ng mga opisyal at kawani ng MAFAR ang mga serye ng parallel workshops at inilatag ang legislative agenda para sa sektor ng agrikultura.

Iprinisenta rin ng ministry ang output ng summit na pinamagatang Food Security Plan Today and Beyond the New Normal sa kalihim ng Department of Agriculture.

Sa pamamagitan ng video conference, binati ni DA Secretary William Dar ang ministry at pamahalaan ng BARMM para sa matagumpay na aktibidad. Aniya, sa pamamagitan ng FSS, masisigurong mayroong sapat na suplay ng pagkain ang mamamayan ng BARMM. (LTBolongon-PIA Cotabato City/With reports from BIO-BARMM).

More Manila News

Access More

Sign up for Manila News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!