Wed, 23 Jun 2021

Tagalog News: Isang libong trabaho, alok sa Bataan Virtual Job Fair

Philippine Information Agency
18 May 2021, 00:38 GMT+10

LUNGSOD NG BALANGA, Mayo 17 (PIA) -- Humigit kumulang isang libong trabaho dito at sa ibayong dagat ang i-aalok sa gaganaping virtual job fair ng pamahalaang panlalawigan ng Bataan.

Nakatakda ito ngayong Biyernes, Mayo 21, sa official Facebook page ng Public Employment Service Office o PESO.

Sa isang pahayag, pinasalamatan ni Governor Albert Garcia ang Department of Labor and Employment at Department of Trade and Industry sa suportang kanilang ibinibigay sa lalawigan.

Aniya, makakaasa ang mga ahensya sa suporta ng Kapitolyo sa patuloy na pagkalap ng impormasyon hinggil sa mga bakanteng posisyon sa iba't-ibang industriya gayundin sa pakikipag-ugnayan sa pampubliko at pribadong sektor tungo sa pagbabalik sigla ng ekonomiya.

Ang mga interesadong aplikante ay maaaring mag-register ng libre sa website na vantagehunt.com at i-upload ang resume, 2x2 photo, at iba pang mahahalagang dokumento.

Kaugnay nito, may mga inihandang online pre-job fair activities ang PESO na gaganapin mula Mayo 14-20 kasama ang mga kinatawan ng PhilHealth, Social Security System, Philippine Statistics Authority, Professional Regulation Commission, Technical Education and Skills Development Authority, Philippine Postal Corporation, Department of Foreign Affairs at Philippine Overseas Employment Administration.

Sila ay tutulong sa mga aplikante sa paghahanda ng mga dokumentong kinakailangan sa pag-aapply sa trabaho.

Nandoon rin ang mga Human Resources Department ng mga kalahok na employers upang mailahad ang proseso ng kanilang recruitment. (CLJD/CASB-PIA 3)

More Manila News

Access More

Sign up for Manila News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!